SINAKLOB ng takot ang ilang beachgoers sa Banganga, Davao Oriental nang mabungaran ang libo-libong bulate sa pampang.
Nawala naman ang kanilang pangamba nang matuklasan na hindi mapanganib ang mga bulate o palolo worms bagkus ay nakakain ang mga ito.
Sa video na ipinost ni Jimboy Rengel sa Facebook, nagulat ang mga bisita ng resort nang maispatan ang laksa-laksang bulateng-dagat.
Kinilabutan pa ang ilan sa kanila dahil kumikislot-kislot ang mga ito.
Napag-alaman na mahal ang bentahan ng palolo worms na minsan lang umano itong makita o tuwing swarming period lang.
Bukod sa Pilipinas, makikita rin ang palolo worm sa Samoa, Tonga, Fiji, Indonesia, at Vanuatu.