Bulag nagtapos sa UST

NAKAPAGTALA ng kasaysayan si Jerome Santiago, 28, bilang kauna-unahang bulag na nakapagtapos sa University of Santo Tomas (UST) College of Commerce and Business Administration.

Ayon sa UST, isang inspirasyon si Santiago sa iba pang mag-aaral na humaharap sa kaparehong hamon.

“Ito ay isang patunay na ang university ay inclusive so sa lahat ng klase ng bata ay dapat tanggapin kasi karapatan nila na pumasok sa isang ganitong pamantasan,” ani Associate Professor Elizabeth Magbata, PhD, chairman ng Department of Financial Management at the College of Commerce.

Sinabi ni Santiago na nagsimulang lumabo ang kanyang paningin bago pa siya nag-teenager.

Hindi naman naging balakid ang kanyang kondisyon na tapusin ang kurso, aniya.

“Kahit na nagfi-feel down ka na and you really want to give up, ‘yun ang nagmo-motivate sa’kin. Ang daming tao na nagdi-dream to study at UST pero nandito na, I just want to give my best,” ani Santiago sa isang panayam.

“Kahit naman may disability ‘yung tao, meron pa rin siyang worth. Meron pa rin siyang abilities. Meron pa rin siyang mga kayang gawin,” dagdag niya.

“Kailangan lang nila ma-educate about awareness kung paano ba nagko-cope and nagtutuloy sa buhay ‘yung taong may kapansanan,” sabi naman ni Santiago sa mga taong mababa ang tingin sa mga kagaya niya.