BSP iimbestigahan unauthorized deduction sa GCash

BUBUSISIIN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang insidente ng mga hindi otorisadong pagkaltas sa account balance ng mga GCash users nitong mga nagdaang araw.

Tutukuyin ng BSP ang mga posibleng vulnerabilities at rerebisahin din nito ang compliance hinggil sa egulasyon at polisiya ng GCash.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng BSP na inatasan na nito ang G-Xchange, Inc. (GXI), ang operator ng GCash e-wallet, na resolbahin agad ang mga unauthorized deductions na dinanas ng marami nitong users at agarang ibalik ang mga pondong nawala sa mga ito.

Inutusan din ng BSP ang GXI na regular na magsumite ng update tungkol sa mga aksyon nito.

“BSP is closely coordinating with GXI to ensure a prompt resolution of this issue,” ayon sa kalatas.

Ayon sa inisyal umanong report ng GXI, ang nasabing insidente ay system error.

“GXI assured that all accounts of GCash users remain secure and that they are now in the process of refunding the deductions,” pahayag pa ng BSP.

“BSP encourages affected users to coordinate with GXI for the immediate resolution of their complaint.”

Kung hindi umano nasisiyahan sa kung paano ihandle ng GCash ang problema, hinihikayat ang mga users na magsampa ng reklamo sa BSP.