PATAY ang broadcaster na si Juan Jumalon ng Gold FM 94.7, matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin, habang nagla-livestream para sa kanyang programa nitong Linggo.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), nakuha sa livestream ang aktong pamamaril sa 57-anyos na si Jumalon, kilala bilang “DJ Johnny Walker”.
Naganap ang pangyayari sa loob ng kanyang tahanan kung saan naroroon din ang kanyang radio booth sa Calamba, Misamis Occidental.
Ayon sa report, isa umanong lalaki ang humingi ng permiso na makapasok sa bahay ni Jumalon dahil may mahalaga itong anunsyo.
Mariin namang kinondena ng NUJP ang pinakabagong atake sa hanay ng mga mamamahayag.
“The attack is even more condemnable since it happened at Jumalon’s own home, which also served as the radio station,” ayon sa organisasyon.
Ang pagpaslang kay Jumalon ang ika-199 kaso simula noong 1986, at ika-apat naman sa administrasyon ni Bongbong Marcos.