Bride-to-be tepok sa salpukan ng 2 motorsiklo 

NASAWI ang babaeng ikakasal sana sa Setyembre makaraang mabangga ang motorsiklo na sinasakyan nila ng kanyang fiance ng isa pang motorsiklo sa Sta. Ana, Manila nitong Linggo.

Ayon sa ulat, binabaybay ng motorsiklo ng magkasintahan ang Pedro Gil st. sa Brgy. 876 nang salpukin sila ng motorsiklo na biglang kumaliwa mula sa kabilang lane.

Sa lakas ng impact ay tumalsik ang babae saka gumulong sa kalsada bago humandusay. Nadala pa ang magkasintahan sa pagamutan pero idineklarang dead on arrival ang babae.

Sinabi ng pulisya na ginamot muna ang driver ng nakabanggang motorsiklo bago dinala sa Manila District Traffic Enforcement Unit.

Sinabi ng suspek na bibili siya ng spare parts para sa kanyang sasakyan nang maganap ang insidente.

“Nung malapit na ako sa may pinakalilikuan ko saka ko napansin na ang tulin ng motor ko. Humihingi rin po ako ng tawad, ‘di ko rin naman po ginusto yun,” aniya.

Nahaharap sa reklamong reckless driving resulting in homicide ang suspek.