NAMATAY ang sinasabing middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa sa loob ng New Bilibid Prison (NBP), ayon kay Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla nitong Huwebes.
Sa panayam kay Remulla, sinabi nito na ang 42-anyos na bilanggo ay namatay alas-3 ng hapon nitong Martes sa loob ng ospital sa NBP. Isinasagawa pa rin ang otopsiya.
“Nakita naming totoo nga, namatay, may namatay na tao, so, immediately, it’s the NBI (National Bureau of Investigation) and that autopsy that’s very important,” pahayag pa ni Remulla.
Hinikayat din ng kalihim ang mga independent forensic experts na magsagawa ng kanilang sariling autopsy.
“And sabi ko nga sa kanila, if there will be an independent witness like Dr. Raquel Fortun to look at the autopsy itself, so much the better. So we will open it to other medico legal experts to find out,” dagdag pa niya.
Nauna rito, inilabas din ng DOJ ang dalawa pang pangalan na sangkot sa pagpatay kay Lapid — sina Crisanto Palana Villamor at Christopher Bacoto.
Ayon sa sumukong gunman na si Joel Escorial, anim sila na involved sa pagpaslang kay Lapid. At ang utos ay galing umano sa NBP, at binayaran sila ng P550,000.
Si Villamor umano ang nangakong magbabayad sa kanila. Hindi pa tinutukoy kung si Villamor ang bilanggong nasawi.