PINAGHAHANAP na mga otoridad si Lexter Castro alyas Boy Dila, ang lalaking nag-viral dahil sa panunuya nito habang binabasa ang isang rider sa nakaraang Watah! Watah! Festival sa siyudad.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, gusto niyang makausap nang personal si Castro para bigyan ito ng leksyon.
“Siya ngayon ang nagiging mukha ng Watah! Watah! Festival at nakakalungkot at nakakagalit,” ani Zamora.
Hindi na nagpapakita si Castro sa kanyang tinutuluyan kaya inatasan ni Zamora ang mga opisyal ng barangay at ng city hall para matunton ang kinaroroonan nito.
“Papatawag ko siya at kakausapin ko siya personally. At sisiguraduhin ko na matuto sila ng leksyon. Yung masakit na leksyon na maalala niya habambuhay niya para hindi na ulitin uli,” sabi ni Zamora.
Sa viral video, makikita si Castro na nakalawit ang dila habang binabasa ang rider.
Pero giit ni Castro, sa Facebook live makaraang mag-viral, nagpaalam daw siya sa rider na mambabasa siya pero hindi raw ito pumayag dahil may meeting na pupuntahan.
Dinedma naman ni Castro ang pakiusap ng rider at pinasiritan ito ng tubig gamit ang water gun habang nakadila.
“Hindi ko sinaktan si Manong, binasa ko lang siya. Nagpaalam ako sa kanya, sabi ko ‘Babasain kita.’ Sabi niya, ‘Hindi puwede kasi may meeting siya’ pero binasa ko pa rin siya kasi fiesta e,” wika ni Castro.
“Wag kayong dadaan ng San Juan kapag June 24, alam naman ng taumbayan ‘yan,” dugtong niya.