ISINILBI ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang letter of authority para sa suspendidong alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo at iba pang indibidwal para busisiin kung nagbabayad ng tamang buwis ang mga ito.
Ani BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa Bagong Pilipinas public briefing, lumitaw sa imbestigasyon ng Senado na maraming ari-arian at malaki ang kinikita ni Guo sa kaniyang mga negosyo kaya iimbestigahan kung nagbabayad ba ito ng tamang buwis.
Kasama sa iimbestigahan ay kung tama ang buwis na ibinayad ni Guo sa pagbili ng helicopter at iba pang mamahaling sasakyan.
“Nai-serve na po nating ang letter of authority para magsagawa ng imbestigasyon sa mga indibidwal at sa mga corporations na sangkot dito,” ani Lumagui.
Dagdag ng opisyal, kapag napatunayang hindi nagbayad ng tamang buwis si Guo ay kakasuhan ito ng tax evasion.
“Kung makikita na bayad iyong buwis ay walang dapat na ikabahala si mayor at iyong mga involved dito. Pero kung hindi bayad ang buwis niyan, magsasampa po tayo ng kasong tax evasion,” sabi ni Lumagui.