KALBARYO ang dinaranas ng ilang mga residente ng Marikina na makaraang malubog sa baha ang kanilang mga bahay ay nasunugan naman sila.
Ayon sa ulat, nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Pepino st., Brgy. Tumana alas-3 ng madaling araw ngayong araw ng Biyernes.
Agad kumalat ang sunog sa mga kalapit na bahay dahil gawa lamang ang mga ito sa light materials. Inabot din ang poste ng kuryente, na nag-collapse kasama ang mga katabing metro.
Kaugnay nito, isang 64-anyos na residente ang nasawi nang bumalik sa kanilang nagliliyab na bahay para kunin ang ilang mahahalagang dokumento Base sa ulat, nakababa na lahat ng mga anak ng matanda pero hindi ito nakasunod.
Inaalam pa ang pinagmulan ng apoy at ang halaga ng mga natupok na ari-arian. Isa ang Brgy. Tumana sa mga binaha dahil sa matinding ulan na dulot ng bagyong Carina at ng habagat.