Beki hindi napagbigyan, Leandro nagsori

HUMINGI ng paumanhin ang aktor na si Leandro Baldemor sa isang bading na clubowner sa Japan dahil hindi niya ito napagbigyan kahit pa sandamakmak na regalo ang naibigay nito sa kanya.

Sa isang panayam, inamin ni Leandro na nakukunsensya siya dahil tila nag-take advantage siya sa nasabing beki, na isa ring Pinoy, noong panahon na nagho-hosto pa siya sa Japan.

“Sa dami ng ibinigay niya sa akin, nakapagpasalamat ako in a way. Pero ‘yung mag-sorry ba kasi napakaraming binigay sa akin: relos, 200 grams na kuwintas, bracelet, suit!” ayon sa dating sexy actor.

“Actually, hindi ko naman siya pinilit. Siya mismo ang nag-offer. Sabi niya sa akin, ‘Kung anuman, walang kapalit ito. Basta pinuntahan kita dito.’ Ganun kabait ‘yung tao kaya gusto kong mag-sorry,” dagdag niya.

Chika ni Leandro, dumating ang panahon na “nag-aya” ang beki pero binutata niya ito.

“Minsan na humingi siya sa akin, hindi ko naibigay kasi hindi ako ‘yung pagkatao na ‘yon,” ani Leandro.

Mula noon ay hindi na raw sila nagkita ng bading kaya ngayon ay gusto niya itong makita para personal na humingi ng paumanhin sa nangyari kahit ilang dekada na ang lumipas.

“(Pero) hindi ko siya mahanap. Sabi ko sa mga ami-amiga niya, ‘Nasaan na si ano?’ Kasi nagpunta kami sa Shinjuku nu’ng nakaraan, kami ng asawa ko.Tinanong ko si Mama (dati niyang manager), ‘Nasaan si Mommy?’ ‘Hindi na active.’ Hindi na raw active pero okay naman ang buhay niya,” sabi ng aktor.