POSIBLENG maharap sa mga kaso ang pasahero ng motorcycle taxi na Move It makaraan niyang aminin na gawa-gawa lang niya ang alegasyon na hinoldap siya ng driver.
Ayon kay Col. Samuel Pabonita, hepe ng Pasay City Police, gagamitin ng pulisya ang retraction ng call center agent sa pagsasampa ng mga reklamong perjury at cyber libel.
Matatandaang dumulog sa Pasay PNP noong Mayo 30 ang call center agent para ireklamo ng panghoholdap ang driver na si Vicente Young.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ng pasehero na nagbanta si Young na hindi siya nito ibababa kung hindi niya ibibigay ang kanyang bag.
“Nag-sworn siya [sa] maling impormasyon… Pwede natin siyang kasuhan ng perjury kasi mali ang information na binibigay niya sa atin,” ani Pabonita.
Bukod sa perjury, pinag-aaralan din ni Young na ireklamo ng cyber libel ang pasahero.
Ayon sa driver, lubha siyang naapektuhan at ang kanyang pamilya sa mga alegasyon.
“Pamilya namin halos di na makapagssalita sa ibang tao, wala naman din ideya sa nangyari. Saka kilala nila ako na hindi ako ganoong tao, tapos biglang balita na ayun nga nang-holdap daw ako, pero di naman talaga totoo,” dagdag ni Young.
Samantala, sinabi ng Move It na irere-activate nila ang account ni Young pa maaari na siyang makapag-hanapbuhay muli.
Tutulungan din nila ito na mabawi ang nawalang kita nito.