Bebot binoga sa mukha ng BF na parak

PATAY ang babae ang binaril sa mukha ng kanyang kasintahang pulis habang nag-iinuman sila kasama ang mga kaibigan madaling araw ng Huwebes sa Brgy. Indangan, Davao City.

Dead on the spot ang biktima, residente ng Dumanlas, Brgy. Buhangin, dahil sa tama ng bala na bumaon sa ulo.

Sumuko naman ang suspek, isang patrolman na nakatalaga sa Mandug police station, makaraan ang insidente.

Isinuko nito ang 9mm pistola na ginamit sa pagpatay.

Base sa imbestigasyon, nag-iinuman ang magkasintahan kasama ang mga kabarkada nang magtalo ang dalawa.

Sa gitna ng away ay binunot ng suspek ang kanyang service firearm at pinaputukan ang biktima.

Napag-alaman na kinaladkad ng suspek ang katawan ng biktima ilang metro mula sa kanilang pinag-inuman para maitago ang krimen.

Nagsumbong ang mga kainuman sa mga otoridad kaya lumutang sa presinto ang suspek makaraan ang ilang oras.

Selos, anila, ang ugat ng away ng magkasintahan.

Kinukumpirma pa ng pulisya ang impormasyon na  mayroong live-in partner ang suspek sa Maynila.

Nahaharap ang bagitong pulis sa kasong murder.