BINATI ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga nanalo sa nakaraang Barangay at Sanggunian Kabataan Elections at pinayuhan na laging maging tapat sa kanilang tungkulin at magsilbi nang husto sa kanilang mga constituents.
Sa isang video message na ipinost sa kanyang Facebook page, tinukoy ni Marcos ang mga mahahalagang katungkulan ng barangay sa buhay ng mga Pilipino.
“Isang panibagong pagkakakataon na naman po ito upang makapag-serbisyo sa mga Pilipino at sa ating bayan ng buong puso, at higit pa sa abot ng ating kakayahan. Maging tapat po tayo sa lahat ng oras. Lagi po nating unahin ang kapakanan ng sambayanan sapagkat sila po ang dahilan kung bakit nais nating magsilbi sa bayan,” pahayag ni Marcos.
Sinabi rin nito na sa pamamagitan ng unity o pagkakaisa ay maisusulong ng bansa ang kanyang adhikain na “bagong Pilipinas” “kung saan ang bawat barangay ay mapayapa, masaya, at maunlad; kung saan nananaig ang pagkakaisa, pagkakaunawaan, at kasaganaan; at kung saan ang bawat mamamayan ay taas-noo bilang mga Pilipino.”
Ikinatuwa rin ni Marcos ang matagumpay na pagdaraos ng mapayapa at maayos na halalan nitong Lunes kasabay ang pasasalamat sa lahat ng mga botante na lumahok sa botohan.