AGAW-atensyon ang nangyaring halos paghagulgol ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa habang nagdedeliber ng kanyang speech ang sinibak na Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Lunes.
Pero tiyak na lalong maaagaw ni dela Rosa ang inyong atensyon ngayon na lumutang na isa rin pala siya sa 15 senador na bumoto para mapatanggal si Zubiri sa kanyang pwesto at suportahan ang bagong Senate President na si Francis “Chiz”Escudero.
Sa press conference, inamin ni dela Rosa na isa siya sa pumirma ng resolusyon na sumusuporta kay Escudeo.
Pero giit niya na wala naman ng saysay ang kanyang pirma dahil may 14 ng senador ang nakapirma dito na sisiguro sa bagong posisyon ni Escudero.
“Even though my signature was already insignificant. Lumapit sila sa akin after the battle has been won. Mayroon na silang 14 na pirma,” dagdag niya.
Pinag-isipan din anya niya kung sasali siya sa minority bloc ngunit kinumbinsi siya na manatili sa majority.
“Kaya ako napaiyak dahil nga hindi naman sa sama ng loob pero nahiya ako sa kanya dahil hindi ko napanalo ang giyera para sa kanya,” pahayag pa nito.
“Nu’ng sinaluduhan ako ni Migz, talagang hindi ko napigilan. Napaiyak ako dahil for me, being a good soldier, gusto kong sabihin kay Migz doon is, ‘Sorry, boss, I failed to win the war for you,'” dagdag pa niya.
Isa anya sa naging task sa kanya ni Zubiri ay masiguro na susuportahan ng mga kapwa niya PDP partymates ang kanyang liderato.
Kasama ni dela Rosa sina Senador Bong Go at Francis Tolentino sa PDP-Laban.
“I am one of his trusted lieutenants. Ang kanyang misyon sa akin is talagang i-secure ang aking partido, iyong PDP na patuloy na mag-suporta sa kanya but still, as I have said, mayroon kaming usapan, kaming tatlo [sa PDP],” dagdag pa niya.
“I am also heartbroken. My heart is really broken. He is a very good leader, Senator Zubiri. I love him very much. I respect him very much. He’s a very good leader,” dagdag pa nito.