NAHAHARAP sa asunto ang isang resort sa Subic Special Economic and Freeport Zone makaraang masawi ang isang batang babae na kinapitan ng dikya habang nagsu-swimming.
Ayon kay Jahaziel Michaellie Maningding, nakatakda nilang kasuhan ang All Hands Beach resort sa San Bernardo, Olongapo City dahil sa kapabayaan na nagresulta sa pagkamatay ng anak niyang si Kiera noong June 28.
“We are still making arrangements on who will handle the case,” ani Maningding.
Sinabi ng ginang na hindi nagbabala ang resort na mayroong dikya sa tubig gayong mayroon na palang mga naunang insidente ng pag-atake roon.
Idinagdag ni Maningding na binigyan naman ng first aid ng resort staff si Kiera pero hindi agad ito nadala sa pagamutan dahil walang sasakyang magamit ang establisimento noong mga sandaling iyon.
Naitakbo ang bata sa Allied CareExperts Medical Center-Baypointe sa tulong ng isang resort-goer pero hindi na ito naisalba ng mga manggagamot.
Namatay ang bata sa anaphylaxis o severe allergic reaction.
Samantala, klinaro ng abogado ng All Hands Beach na si Josefina Buena na mayroong sasakyan ang resort.
“All Hands has a vehicle and a driver but was away at the time taking care of other things. So what happened… there was a guest that was leaving so we found another way so we can bring the child to the hospital,” ani Buena.
Inihayag ng abogado na “isolated case” ang insidente. “Not all of the people who swim have been stung by a jellyfish. But, as we say, accidents do happen and no one wanted this to happen,” paliwanag niya.