Bata nahulog sa butas, nalunod sa dagat

NALUNOD ang tatlong-taong-gulang na batang lalaki makaraang mahulog sa butas sa sahig ng kanilang barongbarong na nakatayo sa dagat sa Sta. Cruz, Davao del Sur nitong Miyerkules ng umaga, ayon sa pulisya.

Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktima na natagpuan ilang minuto makaraan ang insidente sa Purok Badiawan, Apo Beach, Barangay Zone 3.

Base sa imbestigasyon, mag-isa lamang sa bahay ang paslit dahil nag-iigib ng tubig ang kanyang ina.

Sinabi ng ina na iniwan niyang natutulog ang anak.

Napag-alaman na isang batang kapitbahay ang nakasaksi sa paglusot ng biktima sa butas.

Humingi ng tulong ang saksi sa mga kapitbahay pero hindi umano siya pinansin kahit nagsisisigaw na siya.