INABISUHAN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang publiko na huwag maliligo sa Baseco Beach sa Port Area, Manila dahil sa mataas na antas ng coliform sa tubig.
Kaugnay nito, todo ang pagbabantay ng mga otoridad sa beach para mapigilan angbmga residente na magtampisaw.
Nakiusap din ang mga ito na sumunod sa utos upang makaiwas sa sakit gaya ng pananakit ng tiyan, diarrhea, at lagnat.
Maaari ring magdulot ang coliform ng pneumonia, iba pang respiratory illnesses, at urinary tract infections.
Samantala, nagbabala naman ang Pagasa weather bureau sa inaasahang paglala ng nararanasang heat index ngayong buwan.
Paliwanag ni weather specialist Obet Badrina, ang heat index ay ang sukatan ng temperatura na nararamdaman ng isang tao, na iba sa aktuwal na temperatura ng hangin “Lalo na ngayong buwan ng Abril na inaasahan natin na mas lalo pang tiitindi ‘yung init na nararamdaman sa malaking bahagi ng ating bansa,” ani Badrina.
Payo niya upang maiwasan ang mga sakit na may kaugnayan sa init, huwag magbabad sa labas at uminom ng maraming tubig.