Barbie Imperial nakalikom ng P81K para sa kababayan na biktima ni ‘Kristine’

UMABOT na sa mahigit P81,000 ang natanggap na donasyon ng aktres na si Barbie Imperial para sa mga biktima ng bagyong Kristine sa Bicol Region.

Sa kanyang Facebook page, isinapubliko ni Barbie na gagamitin ang nalikom na pera para sa mga ipamimigay na relief goods.

“Php 81, 896 na po ang nalikom naming pera para sa mga kababayan nating Bicolano. Bibilhin po namin ito ng mga pagkain, bigas, de lata, at iba pang mga pangangailangan. Magsisimula na po kami mag repack bukas para maiabot natin agad ang tulong,” aniya.

“Maraming salamat po sa mga nag donate. Diyos Mabalos!” dagdag ng aktres mula sa Daraga, Albay.

Bago ito, umapela ng tulong ang rumored girlfriend ni Richard Gutierrez para sa mga taga-Bicol na biktima ng delubyo.

“Nakakalungkot isipin ang pinsalang dulot ng #BagyongKristine. Maraming pamilya ang nawalan ng tahanan at kailangan nila ang ating tulong. Sama-sama tayong bumangon. Mahal kong Bicol, andito po ako para sainyo,” aniya.