Barangay officials pwedeng mangampanya pero…

SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring makilahok sa pangangampanya ang mga opisyal ng barangay para sa 2025 midterm elections ngunit kailangan pa rin silang managot sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa sandaling may nilabag sila.

Ayon kay Comelec chairperson George Erwin Garcia nitong Huwebes na bagamat may ruling ang Korte Suprema na pumapayag na maaaring mangampanya ang mga opisyal ng barangay, kailangan pa rin silang sumunod sa mga alituntunin.

“Sa Quintos vs. Comelec… sabi ng SC, they are political. Magagamit sila ng ibang pulitiko. Pero tandaan natin na ang barangay officials, pwede ma-disciplinary action pa din. Maaaring hindi siya election offense pero may ibang batas mag govern sa kanila,” paliwanag ni Garcia na ang tinutukoy ay Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991.

Sa ruling ng SC noong 2010 sinabi nito na “political partisanship is the inevitable essence of a political office, elective positions included.”

Sinabi nito na hindi sila kasama sa ban sa partisan political campaigning na ipinatutupad sa mga opisyal at empleyado ng civil service.

Sisimulan ang campaign period para sa senador at party-list groups sa Peb. 11, 2025 habang sa lokal na pamahalaan ay magsisimula sa Marso 28, 2025. Tatagal ang kampanya hanggang May 10, 2025.