Bangka ng mangingisdang Pinoy binangga sa WPS; hindi pa rin mahagilap

NAWAWALA pa rin ang isang Pinoy na mangingisda matapos banggain ng isang hindi nakilalang sasakyang pandagat ang kanyang bangka sa West Philippine Sea.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), binangga ang bangka ng Pinoy na si Jose Mondoñedo ng hindi namarkahang bangka 62 miles timogsilangan ng Sampaloc Point sa Subic, Zambales noong Hulyo 3, dahilan para ito lumubog.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, nakaligtas ang 47-anyos na si Robert Mondoñedo noong Hulyo 6, ngunit nanatili namang nawawala ang kapatid na si Jose.

Ayon naman kay Senador Francis Tolentino, chairperson Senate committee on maritime and admiralty zones, ang nakabangga sa bangka ng magkapatid ay may nakasulat na Chinese character na “Yang Fu” bagamat hindi pa batid kung saan ito nakarehistro.