HINAMON ni Senador Sherwin Gatchalian ang kontrobersyal na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo na magpa-DNA test kasama ang sinasabing kanyang biological mother na si Lin Wen Yi.
Ito ay matapos ipahayag ng source ng senador na nagtrabaho sa pamilya Guo habang ang mga ito ay nakatira sa Valenzuela.
“Importante at dapat mag-DNA test silang dalawa para malaman natin ang totoo kung sila ay related o hindi. Dahil base sa mga nakakausap ko dito sa Valenzuela dahil nagrenta sila ng warehouse dito, may mga nagtrabaho sa kanila. Yung iba doon ay nakausap ko, yung iba nagkwento at lumalabas ipinakilala na nanay niya si Lin Wen Yi,” ayon kay Gatchalian sa isang panayam sa radyo.
Ayon anya sa kanyang mga source, kilala nila ang ina ni Guo na kilala umano sa tawag na “Winnie”.
“Ang kanyang English name o Filipino name is Winnie kaya hindi din malayo to sa Wen Yi dahil yan naman ang ginagawa normally ng mga Chinese,” paliwanag pa ni Gatchalian.
Hindi pa umano napagdedesisyunan ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality kung ipatatawag sa pagdinig si Lin Wen Yi.
Basa sa flight records, naglabas-masok sa Pilipinas ang ama ni Guo na si Jian Zhong Guo at Wen Yi 140 beses sa loob lang ng pito hanggang walong taon.
Sinabi ni Gatchalian na hindi maaarig pwersahin ang alkalde at si Wen Yi na magpa-DNA test.