PATAY ang isang 16-anyos na babae habang dalawa pang teenager ang nasugatan makaraan silang pagbabarilin ng rider sa Liloan, Cebu.
Sa ulat, nakatambay ang ilang mga kabataan sa labas ng isang convenience store madaling araw nitong Huwebes.
Maya-maya pa ay bigla silang nagpulasan nang paputukan sila ng lalaking nakasuot ng helmet.
Maliban sa dalagita, tinamaan din ang isang lalaking 17-anyos at isa pang lalaki na 18-anyos.
Isa-isang tinulungan ng mga tao sa lugar ang mga sugatang biktima at itinakbo na ospital.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Liloan Police Station na kabilang ang suspek
sa isang grupong sakay ng limang motorsiklo.
Narekober sa crime scene ang aabot sa 18 basyo ng bala.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang pulisya para matukoy ang mga salarin at ang motibo ng krimen.
“Marami tayong anggulo, puwedeng personal grudge, puwede ring love triangle, gang war, ito ang possibilities. Posibleng pinagtripan lang din, random lang, ‘yan ay base sa aming assessment,” ani Police Maj. Eric Gingoyon, hepe ng Liloan Police Station.