ISANG malaking pabigat lamang sa mga biyahero ang bagong guidelines na inilabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) .
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, hindi rin makatarungan ang dagdag pahirap na ito na ibinibigay ng IACAT sa mga Pinoy na balak mamasyal sa ibang bansa.
“Hindi naman po ata makatarungan na bigyan ng dagdag pasakit ang ating mga kababayan na gusto lamang pumunta sa ibang bansa para mamasyal. Daig pa po nito ang visa application sa dami ng mga kinakailangang dokumento,” sabi ni Villanueva.
Para tingnan ang mga hakbang ng gobyerno laban sa human trafficking, naghain si Villanueva ng Senate Resolution No. 762 para ipasiyasat ang iba’t ibang programa ng pamahalaan laban sa anti-trafficking in persons.
“The prevention of human trafficking is an inter-agency task that not only involves providing stringent requirements on international-bound Filipinos, but also proper awareness and education among Filipinos, and the apprehension of law enforcement agents and other government officials who facilitate or connive with wrongdoers,” dagdag pa ng senador.
“To enhance measures to effectively combat trafficking in person, there is a need to evaluate the existing programs being implemented by the government consistent with a whole-of-government approach,” dagdag pa niya.
Nagpatupad ng bagong guidelines ang IACAT nitong Agosto 17 — 2023 Revised IACAT Guidelines on Departure Formalities for International-Bound Filipino Passengers na magiging epektibo ngayong Setyembre 3.
Ang bagong protocol ay umani ng kritisismo mula sa iba’t ibang sektor at mga indibidwal. Anila, dagdag pahirap, abala at gastos lamang sa kanila ang bagong guidelines. Bukod diyan, dagdag alalahanin pa ang magiging epekto nito sa karapatan ng mga Filipino na bumiyahe at ang mga ulat na sangkot ang ilang law enforcement agents sa trafficking in persons.
“Hindi natin pwedeng balewalain ang hinaing ng ating mga kababayan. Ang mga programa ba ng gobyerno ay susugpo sa traffickers, o nagpapabigat sa lehitimong mga pasahero?” ani Villanueva.