Bagets minartilyo ni kuya, todas; ina kritikal

NASAWI ang isang binatilyo habang malubha ang kalagayan ng kanyang ina makaraan silang martilyuhin ng isang kapamilya sa General Santos City kamakalawa.

Naitakbo pa sa pagamutan ang mag-inang Elma at Emil Carcosia pero hindi na naisalba ng mga doktor ang buhay ng menor de edad.

Agad namang nadakip ang kuya ni Emil, 16, na si Jessie. Narekober ng mga otoridad ang martilyo na ginamit sa atake.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente umaga ng Linggo sa tahanan ng mga Carcosia sa Zone 6, Block 6, Brgy. Fatima, General Santos City.

Hindi na idinetalye ng pulisya ang madugong pangyayari pero sinabi nila na napasugod ang mga kapitbahay sa bahay ng pamilya nang makarinig sila ng sigawan at iyakan.

Inaalam pa rin ang motibo sa paga-amok ng suspek, dagdag ng imbestigador.