HIMAS-rehas ang isang influencer at ang kanyang partner na nakipag-collab umano sa menor de edad para sa isang malaswang video.
Dinakip ang dalawa, na hindi pinangalanan, ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Human Trafficking Division sa entrapment operation.
Inireklamo ang mga suspek ng pamilya ng menor de edad makaraang kumalat ang video sa iba’t ibang adult sites.
Ayon sa mga imbestigador, napapayag ng mga suspek ang bata makaraang pangakuang bibigyan ng P300.
“Ilang araw pinapunta niya po ako para gumawa po kami ng video. ‘Yung video bigla na lang kumalat. Inaabutan nya ako ng pera para sumunod sa pinapagawa nila,” ayon sa biktima.
Inamin ng influencer ang krimen. Palusot niya: “Mahirap lang po kami.”
Pero sa suspek rin mismo nanggaling na inilagay nila ang video sa kanilang Telegram channel na mayroong 100,000 subscribers.
Dagdag niya, nasa P499 ang singil nila sa bawat subscribers.
“Sa Telegram meron kaming channel at doon pinapasok ang mga video,” sabi ng suspek.
Nahaharap sa mga kasong Expanded Human Trafficking, Online Sexual Abuse and Exploitation of Children, at paglabag sa Child Abuse Law ang mga suspek.
Nagbabala rin ang NBI na mananagot sa kaparehong kaso ang magre-repost ng mga malalaswang video.