Babaeng nawawala huling nakita sa paresan ni Diwata

PINAGHAHANAP ng mga otoridad ang isang babae na mula sa Taytay, Rizal na dalawang linggo nang nawawala at huling nakita sa paresan ni Diwata sa Pasay City.


Ayon sa ulat, umalis ng bahay si Dina Ancheta, 36, alas-11:25 ng gabi ng April 16 kasama ang isang lalaki para katagpuin ang isa pang lalaki na nakilala niya sa Facebook.


Umalis si Ancheta sakay ng kanyang Toyota Vios.


Kinabukasan ng umaga ay nakausap si Ancheta ng kanyang ate at sinabi niya na pupunta sila ng kasama niyang lalaki sa paresan ni Diwata sa Diokno Boulevard para kumain.


Pasado alas-12 ng tanghali ay tinawagan ng kanyang ate si Ancheta na sinabing nakapila na sila sa eatery ni Diwata.


Makaraan ang ilang minuto ay sinabi ni Ancheta sa kapatid na uuwi na lang siya dahil nakapahaba umano ng pila sa paresan.


Ayon sa ate, iyon na huling beses na nakausap niya si Ancheta.