Babaeng nagbibisikleta pisak sa armored van

PATAY ang babaeng nagbibisikleta makaraang masagasaan at kaladkarin ng armored van sa Quezon City kamakailan.

Ayon sa ulat, lumiko ang babae sa A. Bonifacio st. mula sa 7th Ave. kasunod ang van.

Huminto ang babae sa gitna ng daan para tumawid nang banggain siya ng van.

Dumire-diresto ng takbo ang van kaya pumailalim ang biktima at nakaladkad nang ilang metro.

“Pagdating po sa gitna, papuntang A. Bonifacio, doon po nabangga nu’ng armored [car] ‘yung bicycle rider,” ani Traffic Sector 1 Commander Capt. Napoleon Cabigon.

Paliwanag ng driver ng armored van, hindi niya napansin ang biktima at hindi rin niya naramdaman na nasa ilalim ito dahil mabigat umano ang sasakyan.

Napag-alaman na inabot ng isang oras bago natanggal ang katawan ng biktima. Ginamitan pa ng jack ang van para ito maiangat.

Nahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.