KLINARO ng mga otoridad na hindi nagtangkang magpatiwakal ang babae sa riles ng Doroteo Jose Station ng LRT-1 sa Maynila nitong Martes.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), nawalan ng balanse ang babae kaya nahulog sa riles, taliwas sa naunang mga ulat na tumalon ito.
Masuwerte namang nakaligtas ang babae nang pumailalim ito sa tren. Nagtamo siya ng bahagyang sugat at ginamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Matatandaan na nag-viral ang video na nakaupo sa gitna ng riles ang babae habang may dumarating na tren Martes ng tanghali. Naalerto naman agad ang makinista ng tren kaya agad na nakapagpreno.
“The LRMC team was able to respond immediately to assess the passenger status. Per initial assessment, the passenger was conscious and sustained minor injury, and was immediately brought to the hospital and turned over to the proper authorities,” ayon sa LRMC.
Matapos ang insidente ay agad ding bumalik sa normal ang operasyon ng LRT-1.