NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga magulang at guardians ng mga minors with disability o MWDs na iparehistro ang ito sa kani-kanilang mga barangay upang makatanggap ng ayuda sa pamahalaang-lokal.
Kailangan anyang maipatala ang mga batang may kapansanan para makakuha ang mga ito ng buwanang tulong na ibinibigay ng city government sa pamamagitan ng social amelioration program.
Ayon kay Lacuna, ang tanggapan ni social welfare department chief Re Fugoso ay magsisimula nang isama ang mga menor de edad na may disability na nakapagpa-rehistro sa kanilang mga barangay, para sa darating na payout sa susunod na buwan.
Ito ay isasabay sa payout ng mga solo parents.
Ang pagsasama ng MWDs sa listahan ng lungsod para tumanggap ng cash aid ay alinsunod sa Ordinance 8991 na ipinasa sa Manila City Council at iniakda ni Councilor Fa Fugoso mula sa ikatlong distrito.
Tatanggap ang mga minor de edad ng buwanang allowance na P500.
Ipinasa noong September 2023 ang City Ordinance 8991 na nag-amyenda sa Ordinances 8565 at 8756 na ukol sa pagkakaloob ng buwanang allowance sa mga adult persons with disabilities (PWDs), maliban sa seniors at solo parents na nakatira sa Maynila.
Sa ilalim ng amendment, lahat ng PWDs na edad 59 pababa ay maaring tumanggap ng ₱500 kada buwan kung sila ay nakatira sa lungsod sa nakalipas na anim na buwan. Kailangan na ang kanilang pangalan ay nasa listahan ng PWDs sa tanggapan ni MDSW. (Jerry S. Tan)