AWOL cop sangkot sa pagkawala ng beauty pageant contestant, BF?

ISINAPUBLIKO ng Philippine National Police na isang dating pulis ang katagpo ng nawawalang beauty pageant contestant na si Geneva Lopez at Israeli boyfriend nito na si Yitshak Cohen.

Ayon kay Police Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, isang dating pulis na nakadestino sa Angeles City Police Office ang middleman sa bibilhing property ng magkasintahan sa Tarlac.

“He was dismissed from the police service in February 2020 for AWOL,” ani Fajardo.

Matatandaang natunton ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Tarlac nitong Linggo ng gabi ang abandonadong sasakyan na ginamit umano ng mga suspek sa pagkawala nina Lopez at Cohen.

Ito ang ikatlong sasakyan na nakitang kasama ng SUV ng nawawalang magkasintahan at ng middleman na nagtungo sa Brgy. Armenia sa Tarlac City, kung saan bibili ng lupa ang magkasintahan, noong June 21.