Arrest warrant inilabas vs transgender na nagpatayo ng waiter ng 2 oras

NAGLABAS na ng arrest warrant ang Municipal Trial Court in Cities (MTCC) Branch 6 sa Cebu City laban sa transgender na si Jude Bacalso na nagpatayo ng waiter ng dalawang oras noong Hulyo 2024.

Si Bacalso, na local celebrity sa Cebu, ay nahaharap sa kasong grave slander by deed, unjust vexation, grave scandal, grave threats, grave coercion and slight illegal detention na inihain ng 24-anyos na waiter.

Matatandaan na noong Hulyo 21, 2024, pinatayo ni Bacalso ang waiter sa kanyang harapan habang sinisermunan matapos siyang tawagin nitong “sir” sa loob ng restaurant.

Hindi naman tumanggi ang waiter sa pinagawa sa kanya sa takot umanong mawalan ng trabaho.

Nakunan ng video ang ginawang “pagpapatayo” sa waiter ni Bacalso na madaling kumalat sa social media. Umani rin ng sandamakmak na hate comments si Bacalso dahil sa ginawa nitong tila pamamahiya.

Hindi pa rin naglalabas ng kanyang pahayag si Bacalso hinggil sa inilabas ng arrest warrant.