NAMELIGRO ang buhay ng broadcaster at news anchor na si Arnold Clavio nang magka-hemorrhagic stroke habang nagmamaneho sa Antipolo noong Martes, June 11.
Nagpasalamat naman sa Diyos si Clavio dahil naagapan ang sakit makaraang maitakbo niya sa sarili sa pagamutan kahit nahihirapan.
Thank you Lord. I personally experienced your miracle,” sabi niya.
Sa Instagram, inihayag ni Clavio na pauwi na siya mula sa paglalaro ng golf nang makaramdam siya ng pamamanhid sa kanang braso at binti.
“Di ko na rin maramdaman ang pag-apak sa pedal ng gas at break. Huminto ako sa isang gasoline station para i-check ang sarili ko. Papunta ng restroom, hindi na ako makalakad. Kailangan ko na may mahawakan. Agad kong tiningnan ang sarili ko sa salamin kung tabingi ba ang mukha ko o maga ang mata ko. Wala naman kaya balik na ako sa sasakyan. At hindi ito naging madali,” kuwento niya.
Aniya, dumiretso siya sa emergency room ng Fatima University Medical Center kung saan nalaman na pumalo sa 220/120 ang kanyang blood pressure habang nasa 270 ang kanyang blood sugar.
“Inirekomenda na isailalim ako sa CT Scan. Doon nakita na may ‘slight bleeding’ ako sa kaliwang bahagi ng aking utak . At sa oras na yon , ako ay nagkaroon na ng ‘HEMORRHAGIC STROKE’!” sambit ng broadcaster.
Inilipat si Clavio sa St. Lukes Medical para maobserbahan. “Agad akong inasikaso sa ER ng kanilang brain attack team at dinala sa Acute Stroke Unit ng ospital para ganap na bantayan ang aking BP at sugar.”
Payo ni Igan (palayaw ni Clavio) sa publiko: “Listen to your body. Traydor ang hypertension! Always check your BP.”