ITINANGGI ng Vicar General for the Archdiocese of Manila na nagsakalan sina retired Novaliches Bishop Antonio Tobias at Fr. Alfonso Valeza ng St. Joseph Parish sa Gagalangin, Tondo, Manila.
Ayon kay Monsignor Reginald Malicdem, dumating sa nasabing simbahan para siguruhin na maipatutupad ang utos na suspensyon ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula laban kay Valeza.
Inalis si Valeza sa nasabing paroko noong Hunyo 3 dahil sa “persistent defiance to the Archbishop of Manila despite orders and warnings.”
“Yung sinasabing sinakal interpretation ng mga taong nandun [lang iyon]. Wala naman dahilan para sakalin ni Bishop si Father Al,” ani Malicdem.
“Bishop Tobias ay nandun ine-encourage si Father Al na sundin ‘yung decision ni Cardinal Advincula na he is relieved of his parish,” dagdag niya.
Samantala, inihayag ng Vicar General na iniimbestigahan na ang mga akusasyon ng korupsyon sa loob ng simbahan ni Valeza.
“Na-appreciate ni Cardinal kung anuman yung ine-expose niya. Yung mga sinasabi niya pinasa-substantiate sa kanya ni Cardinal, ‘yun kung may mga evidence siya. At lahat ng mga dokumento ay ibinigay sa committee ni Bishop Tobias para investigate,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Malicdem na tinanggal si Valeza bilang kura paroko dahil sa mga akusasyon na “causing division among the parishioners.”
“Yung decision na alisin siya sa parish ay nanggaling sa nangyayari sa parokya. Nagkakaroon kasi ng obvious na heightened division at conflict ‘yung mga tao na i-polarize ‘yung pro-father Al at anti-father Al,” paliwanag niya.