Apollo Quiboloy huli na, ayon sa DILG

HAWAK na ng mga awtoridad ang wanted na si Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy.

Sa kanyang Facebook post Linggo ng gabi, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na arestado na si Quiboloy, bagamat hindi naman nito idinetalye ang pagkakadakip sa lider ng KOJC.

“Nahuli na po si Apollo Quiboloy,” ayon sa post.

Hindi naman makumpirma at maitanggi ni Police Regional Office 11 director BGen. Nicolas Torre III, top official na nangunguna sa isinagawang raid sa compound ng KOJC, ang pagkakaaresto kay Quiboloy.

Usap-usapan naman sa social media kung inaresto nga ba si Quiboloy o kusa itong sumuko.

Wala pang opisyal na pahayag ang PNP.