IINSPEKSYUNIN ng mga otoridad ang ilang mga karinderya at turo-turo sa Baguio City dahil sa umano’y paghahain ng mga pagkain na may lahok na karne ng aso.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, ipinag-utos niya ang crackdown makaraang madakip ang isang lalaki na nangangatay ng aso sa Brgy. Irisan noong Mayo 30.
“We will not tolerate animal cruelty in Baguio City; the police will search and arrest violators of the Animal Welfare Act,” ani Magalong sa kalatas.
Matatandaan na nakunan ng video ang naturang residente na pinatay ang alagang aso para ihanda sa graduation party.
Makikita sa video na ginilitan ng lalaki ang aso bago ito kinatay at niluto.
Nakilala naman agad ang suspek at sinampahan ng reklamong paglabag sa Animal Welfare Act.
Ayon sa kumuha ng video, nanlumo siya matapos makita ang ginagawang pagkatay ng lalaki sa aso.