BAGO matapos ang buwan ng Setyembre, isa pang pahabol na alaala ng Martial Law sa ilalim ng bandila ng ‘Bagong Lipunan.’
Ilang araw bago ibaba ang martial law, may ‘pabidahan’ pa ang mga batang taga-Leonardo St., sa isang maliit na balkonaheng nasa bungad ng malaking bahay na paupahan ng mga Atienza.
Tuwing matatapos ang hapunan lalo kung bilog o maliwanag ang buwan, doon kami nagkikita-kita ng Tropang Leonardo St., para magbidahan.
Nakaupo lahat sa makitid na balkonaheng walang barandilya, bawal ang malikot dahil kung hindi, mahuhulog sa burak at putikan.
Ang Leonardo St., noon ay isang lugar sa ibabaw ng latian. Maituturing na ‘kalye’ ang mga pinagdugtong-dugtong na andamyong kahoy.
Hindi raw ito ‘slum area.’ Nagagalit ang mga taal na tagaroon kapag tinawag silang slum area. Ang lugar daw na iyon ay latian hanggang dumami ang nagtayo ng mga kabahayan.
Walang Lola basyang, pero bitbit namin at ibinibida sa mga katropa ang mga kuwentong ipinasa sa amin ng mga nanay o tatay namin. Ang paborito at kadalasang kuwentuhan noon ay panahon ng Hapon.
Kinatatakutan noon ang dulo ng Leonardo St., shortcut daw iyon patungo sa isang lumang sementeryo noong panahon ng Hapon, kung saan inilibing ang maraming gerilyang
Pilipino.
Kaya hanggang umalis kami sa Pasay ay hindi namin napuntahan ang nasabing lugar.
Sa panahon ng martial law, nawala ang ‘pabidahan’ sa gabi, kasi nga nagkaroon ng curfew hour. Tuwing hapon na lang kami naroroon sa balkonahe para magpraktis ng kantang “Ang Bagong Lipunan.” Sabi ng mga tropang nag-aaral na, pag-aralan daw namin at kabisaduhin ang kanta para madali kaming matanggap sa Grade I.
Ganap na tumahimik ang gabi sa Leonardo St., pero hindi ang mga matang sumisilip-silip tuwing may dumarating na army truck sakay ang mga sundalo at ilang lalaking nakasibilyan.
Hindi sila nagbabahay-bahay, tukoy nila ang mga bahay na pupuntahan kaya pagbalik sa kanilang sasakyan, bitbit na ang kanilang mga target — mga lalaking mahahaba ang buhok, ang iba ay puno ng mga tattoo sa katawan, mayroon namang mukhang nagtataka at nalilito kung bakit siya dinampot ng mga sundalo.
Kinabukasan, uugong na sa buong Leonardo St., ang kuwento.
Minsan naman, may nahuling magnanakaw ng manok kina Aling Yolly kaya kinabukasan may kumakanta na sa himig ng chorus ng Bagong Lipunan.
Madaling araw may nagnanakaw
ng manok sa kulungan
nagising ang may-ari
binato ng kawali…
‘Yung nahuling magnanakaw binugbog daw ni Mendoza, tawag sa asawa ni Aling Yolly, saka dinala sa kampo.
Hindi matapos-tapos ang kuwento tungkol sa isang TV host ang pinagbisikleta sa Camp Crame buong maghapon nang sabihin niya sa kanilang programa ang:
“Sa ikauunlad ng bayan, bisikleta ang kailangan” dahil ang orihinal nito ay: “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.”
Kumalat din ang kuwentong, maraming bata ang kinukuha at pinapatay para ibuhos ang dugo sa mga ipinaggawang tulay o gusali ng gobyerno. Maya’t maya may kuwentong nasasagap na nawawala ‘yung tatlong bata sa Natividad St. May estudyanteng lumabas sa P. Burgos Elementary School na biglang isinakay sa kotse, at marami pang insidente ng pagkawala ng mga bata.
Mga kuwentong naghatid ng takot sa aming mga munting puso hanggang dumating ang panahon na hindi na nagkakasama-sama ang tropang Leonardo St. dahil may kanya-kanya nang restriksiyon sa loob ng bahay.
At iyon ang martial law sa aming mga tropang Leonardo St. — wala nang gala, wala nang bidahan hanggang tuluyang lamunin ng ‘Gabi ng Lagim’ ang aming barkadahan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]