NABAGBAG ang damdamin ng publiko sa imahe ng ama ni Carlos Yulo na nakasiksik at nakikipaggitgitan sa mga tao habang ginaganap ang Grand Heroes’ Parade para sa Olympic gold medalist na anak.
Sa mga video sa social media, makikita si Mark Andrew Yulo na kasama sa mga nanonood sa gilid ng kalsada para masulyapan si Carlos at iba pang atletang Pinoy na sumabak sa Paris Olympics 2024.
Hindi pa man nakikita ang float ni Carlos ay labis na ang kasiyahan sa mukha ni G. Yulo.
Sa likod niya ay nakabandera ang isang banner na may nakasulat na “CALOY, DITO PAPA MO!”
Halos kargahin pa ng mga kasamahan ang padre de pamilya para mas makita ni Carlos na nandoon ang ama.
Walang paglagyan naman ng tuwa si G. Yulo nang makita ang anak sa float.
Itinaas nito ang kamay habang buhat-buhat na ng isang kasama.
Ayon sa ilang ulat, sinaluduhan naman ni Carlos ang ama nang makita niya ito.
Sinabi naman ng mga nakasaksi na kahit pinansin ng two-time gold Olympic gold medalist ang ama, nakalulungkot pa ring makita na hindi nito kasama ang pamilya sa parada.
Isama pa rito na hindi ang mga magulang ang dinala ni Carlos sa welcome reception sa Malacanang na inihanda nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Marcos para sa Team Philippines.
Ikinalumo rin ng karamihan nang malaman mula sa lolo ni Carlos na si Rodrigo Frisco na hindi sila pinayagang sumalubong sa apo.
Sentimyento ng publiko: “Naging audience ang papa nya at lola nya sa parada…yung gf naging VIP… Nakakapanglumo talagang nakikipag siksikan pa ang papa nya at gumawa ng poster para lang mapansin sya sa daan.”
“Nakakalungkot naman, mas may panahon pa Ang gf nya kaysa pamilya,, tsaka parang tropa lang Turing nya na sabihing”magkikita din Tayo” na dapat paglapag palang ng eroplano nakita at nakasama nya agad ito.”
“Grabi nakakaiyak halos aakyat kung saan makita lang nya anak nya.”
“I am so so proud of you Caloyz. But I am hurt na bakit ang mga magulang kailangan magpalimos ng awa ng anak.”