Alice Guo’ natagpuang nagtitinda ng empanada sa Laoag City

VIRAL ang isang tindera ng empanada sa Laoag City, Ilocos Norte na kamukha ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay Rolando Nacional, nakita niya ang malaking pagkakahawig ng tindera kay Guo nang una siyang bumili rito.

“Tiningnan ko, may salamin, mahaba buhok, singkit mata. Natuwa ako. Tapos pangalawang bili ko ng empanada doon na ako nagtangkang mag-video,” dagdag niya.

Natuwa naman si Reyna Ruth Hagonos sa natatanggap na atensyon mula nang i-post ni Nacional ang kanyang mga video sa social media.

Pahayag ni Hagonos, na pitong taon nang gumagawa at nagbebenta ng empanada, nadagdagan ang benta niya mula sa mga gustong makita siya nang personal.