ISINIWALAT ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na bunga siya ng pagmamahalan ng isang amo sa isang kasambahay.
Sa Facebook post, muling itinanggi ni Guo na may kinalaman siya sa operasyon ng
POGO hub na Zun Yuan Technology Incorporated (ZYTI), na matatagpuan malapit sa Bamban Municipal Hall., at hindi rin siya espiya ng ibang bansa.
“Alang-alang sa aking mga kababayan na nagtitiwala at nagmamahal sa akin ay buong tapang ko pong sasabihin na ako po’y isang love child ng mahal kong ama sa aming kasambahay,” ayon sa alkalde.
Pahayag ni Guo, nahirapan siyang sagutin ang mga tanong ng mga senador ukol sa kanyang pagkatao dahil sa kakulangan ng kaalaman at nais niyang protektahan ang kanyang ama.
“Ang pag-iwas ko rin pong magsinungaling sa aking mga sagot ay sanhi ng pagmamahal ko at pag-aalala sa mahal kong ama. Sa kanyang edad na 70 ay ayaw ko na pong makaladkad siya sa aking pinagdaraanan,” aniya.
Pinanindigan din ng alkalde ang mga pahayag niya sa Senado ukol sa kanyang kabataan.
“Iniwan ng aking biological mother bata pa ako noon. At ako’y pinalaki at itinatago sa loob ng isang farm. Pinalaking matindi ang pag-iwas sa mga bagay na magbibigay sana sa akin ng pagkakakilanlan sa labas ng aming hog raising farm,” sabi niya.
“Nangarap po ako at nagsikap para sa isang normal na buhay sa kabila ng kakulangan sa aking pagkakakilanlan. At hangad ko noon hanggang sa ngayon na maipagmalaki ako ng aking ama kahit anak niya ako sa labas ng matrimonya,” pagpapatuloy ni Guo.
“Traumatic po sa akin ang mga tanong sa Senate hearing tungkol sa aking pagkatao, kasi ‘yan po ang mga tanong na ayaw kong mabuksan, na sana ay mayroon akong mga sagot na makapagpaparamdam sa akin na ako’y isang normal din na nilalang,” dagdag ng alkalde.
Ayon kay Guo, umaasa siya na lulutang ang ina para mapatunayan na isa siyang Pilipino.
Kaugnay nito, iginiit ng alkalde na hindi siya protektor ng POGO.
Paliwanag niya, mayroong tanggapan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa loob ng Baofu Compound, kung nasaan ang Zun Yuan Technology Incorporated, at may kapasidad ang nasabing opisina upang subaybayan ang kumpanya at pigilan sakaling ilegal ang mga aktibidad nito.