SINAMPAHAN ng reklamong human trafficking si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa na may kaugnayan sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang bayan.
Bukod kay Guo, sinampahan din ng reklamong paglabag sa Sections 4 at 6 ng Republic Act (RA) 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 as amended by RA 10364, as further amended by RA 11862 si dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) deputy director general Dennis Cunanan, at iba pang hindi kinilala.
Sa reklamo, pinangalan si Guo bilang “Guo Hua Ping.”
Kabilang sa mga nagsampa ng reklamo ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ang Philippine National Police.
Maaalalang inimbestigahan si Guo dahil sa pagkakadawit niya sa POGO compound na ni-raid nitong Marso dahil sa mga umano’y ilegal na aktibidad gaya ng crypto at love scams.
Sinampahan din ng Department of the Interior and Local Government ng reklamong graft si Guo sa Office of the Ombudsman, na nagresulta sa anim na buwan niyang suspensyon bilang alkalde.