SUMAKABILANG-buhay nitong Sabado si Ricardo Zulueta, ang kapwa akusado ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, iniulat ng pulisya ngayong araw.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), atake sa puso ang tinitingnang sanhi ng pagkamatay ni Zulueta, dating BuCor deputy security officer.
Ani Lt.Col. Marcelino Teloza, hepe ng Dinalupihan City police, nakatanggap sila ng impormasyon noong Biyernes na isinugod sa pagamutan si Zulueta alas-10 ng gabi dahil sa pananakit ng dibdib.
“After receiving that information po, personally po pumunta kami doon po,” ani Teloza.
Batay sa death certificate, namatay si Zulueta dahil sa “cerebrovascular disease intracranial hemorrhage.”
Nakaburol ang labi ni Zulueta sa Brgy. Mabiga sa Hermosa, Bataan.
Nahaharap sina Bantag at Zulueta sa mga kasong pagpatay kina Lapid o Percival Mabasa at Jun Villamor, ang umano’y inutusan na humanap ng hired killer na magtutumba sa broadcaster.
Napatay si Villamor sa loob ng New Bilibid Prison ilang sandali makaraang sumuko ang gunman na si Joel Escorial.
Sina Bantag at Zulueta ang itinuturong utak sa pagpatay kay Lapid, na pinagbabaril malapit sa kanyang bahay sa Las Piñas noong 2022.