MATAPOS ang kontrobersyal na video ng “Love the Philippines” na ilang araw rin na nag-trending, tinapos na ng Department of Tourism ang kontrata nito sa advertising firm na DDB Philippines.
Nag-trending ang nasabing promotional campaign video na produksyon ng DDB Philippines dahil sa paggamit ng hindi orihinal na footage.
Sa kalatas ng DOT, sinabi nito na kaisa ng ahensiya ang publiko sa pagpapahayag ng pagkadismaya dahil sa nasabing kapalpakan.
Nitong Linggo, humingi ng paumanhin ang advertising firm dahil sa paggamit ng mga non-orignal materials na ginamit sa video na ngayon ay burado na.
Ayon sa DOT, sa ilalim ng kontrata na pinirmahan nito sa DDB, maaari anyang i-suspend pansamantala o tuluyang i-terminate ang kontrata kung makikitang hindi kaya ng advertising firm na gawin ang proyekto.
Giit ng DOT, wala pang bayad na nailalabas ang tanggapan para sa nasabing kontrara sa DDB.
“The DOT shall exercise its right to forfeit performance security as a result of default in obligations under the contract, as well to review standards of performance or lack thereof vis-a-vis any claims for payment and/or any other engagement,” pahayag ng DOT.