ABP, ilan pang grupo kinondena pag-aresto ng 3 Pinoy sa China

MARIING kinondena ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list, kasama ang anim na civic-oriented na grupo—Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Isang Bansang Pilipinas (IBP), at Kalipunan ng Mamamayang Pilipino (KAMPIL)—ang umano’y ilegal na pag-aresto ng China sa tatlong Pilipinong inaakusahan ng paniniktik.

Ayon kay Dr. Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, unang nominado ng ABP at Chairman Emeritus ng ABKD at FDNY, ang pagkaka-aresto kina David Servanez, Albert Endencia, at Natalie Plizardo ay isa umanong propaganda at diversionary tactic ng China upang ilihis ang atensyon mula sa umiigting na tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay Goitia, ang tatlong Pinoy ay nasa China dahil sa scholarship program ng Hainan government dahil sa sisterhood agreement nito sa lalawigan ng Palawanan.

Duda rin si Goitia at ang mga kaanib na grupo ng ABP sa sinasabing video kung saan naglalaman ang pag-amin ng tatlong Pinoy na sila ay mga espiya.

Anila, posibleng bunga ng matinding pressure kung kayat may ganitong sinasabing pahayag ang tatlong Pinoy.

Kaduda-duda rin aniya ang pagbanggit ng China sa mga ahensiyang tulad ng “Philippine Intelligence Agency” na hindi umiiral sa Pilipinas.

Iginiit ni Goitia na ito ay isang uri ng pananakot at pagganti sa pagkakaaresto ng mga pinaghihinalaang Chinese spies sa bansa. Hiniling nila ang makatarungang pagtrato, due process, at agarang pagpapalaya sa tatlong Pilipino.

Samantala, ipinagtanggol din ng mga grupo si Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard laban sa pagbatikos ni dating Press Attaché Ado Paglinawan dito.

Una nang inaakusahan ni Paglinawan si Tarriela ng pagiging impluwensyado umano ng Estados Unidos, kasabay ang pagkuwestyon kung lehitimo nga ang ginagawang pagpatrulya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Tinawag ni Goitia na iresponsable at mapanira sa pambansang seguridad ang mga pahayag ni Paglinawan.

Hinamon ni Tarriela si Paglinawan na humarap sa nalalapit na pagdinig ng Tri-Committee sa Kongreso upang ipaliwanag ang kanyang mga akusasyon.

Tiniyak ni Goitia ang patuloy na suporta ng kanilang hanay kay Tarriela—at handa silang lumabas sa lansangan para sa pagtatanggol sa dignidad ng bayan, kung kinakailangan. (Marisa Son)