MAINIT ang naging talakayan sa Senado ukol sa consensual sex sa pagitan ng mag-asawa.
Sa pagdinig ukol sa sexual harassment, tinanong ni Sen. Robin Padilla ang abogadong si Lorna Kapunan ng Kapunan & Castillo Offices kung ano ang maaaring gawin ng mga lalaki kung ang kanilang asawa ay wala sa mood na makipagtalik.
“Halimbawa po, siyempre hindi mo maaalis sa mag-asawa na ang paniwala, lalo kami o ako, meron kang sexual rights sa asawa mo e. So, halimbawa, hindi mo naman pinipili l kung kailan ka in heat. So paano ‘yun kapag ayaw ng asawa mo? Wala pong ibang paraan talaga para maano ‘yung lalaki? So paano yun? Mambababae ka na lang ba? E di kaso na naman ‘yun. Parang wala kaming choice bigla ganoon na lang? Matulog ka na lang?” ani Padilla.
Sagot ni Kapunan, ang usapin ay hindi legal kundi psychosocial.
Pero muling humirit ang senador: “Halimbawa mapilit ‘yung lalaki. Ano ‘yung sa legal na puwede niyang gawin? Puwede bang will you help me na lang? Kapag Tagalog kasi hindi mo masabi baka bastos ang dating.
Anong puwedeng gawin na lang ng babae?”
Giit ni Kapunan, dapat respetuhin ng mister kapag tumanggi si misis.
“If your spouse refuses, whether valid or hindi, respetuhin natin ‘yung decision ng wife or ng husband in that case,” paliwanag niya.
Pero hindi pa tumigil si Padilla.
“Siguro naman sasangayon naman sa akin ang mga taumbayan kapag sinabi kong may ibang urge talaga ang mga lalaki talaga. Talagang nandun e. So paano ‘yun nandiyan ang asawa mo to serve you, ayaw niya? So paanong, ano’ng puwede kong sabihin sa kanya? Mahal o babe, ano ba? Please help me in a way.”
Wika ni Kapunan: “Kailangan po ng counseling o magdasal na lang po kayo. Manood po kayo Netflix, Korean Telenovela.”
Itinama rin ng abogada ang naunang pahayag ni Padilla at sinabi na hindi obligasyon ng misis “to serve the husband.”
Si Padilla ang chairman ng Senate committee on public information and mass media na nag-iimbestiga sa umano’y pang-aabuso ng dalawang GMA independent contractors sa young actor na si Sandro Muhlach.