NAKATAKDANG imbestigahan ng House Committee on Transportation ang nangyayaring aberya sa mga airport matapos maiulat ang napakahabang pila ng mga pasahero.
Sinabi ni Antipolo Rep. Romeo Acop na dapat agad na umaksyon ang Manila International Airport Authority (MIAA) at Department of Health – Bureau of Quarantine (DOH-BOQ) para maresolba ang napakahabang pila ng mga bumabalik sa bansa na mga overseas Filipino workers (OFWs).
Idinagdag ni Acop na imbes na makatulong, lalo pang nagdulot ng pagkabalam ang ipinatutupad na eArrival Card kapalit ng One Health Pass (OHP).
“Bakit ba nangyayari pa ito? Hindi ba dapat ay mas maginhawa ang buhay ng mga pasahero kasi may eArrrival Card na? Bakit mahaba pa din ang pila at tila mas pinahirap ang proseso para sa mga umuuwing Pilipino?” sabi ni Acop.
Idinagdag ni Acop na dinagsa siya ng reklamo mula sa nga apektado aberya.
“VIP treatment dapat ang treatment natin sa mga returning OFWS dahil sa tulong nila sa ating ekonomiya. Pero nakakalungkot masaksihan na pauwi na lang sila sa kanilang pamilya eh dito pa sila sa sariling airport natin mahihirapan,” aniya.