Abogado di nagbigay ng sustento sa anak, dinisbar


DINISBAR ng Korte Suprema ang isang abogado dahil sa “economic at emotional abuse, gross immorality, committing falsehood and exploiting court processes, unduly delaying a case, impeding the execution of judgment at misusing court processes.”

Nag-ugat ang disbarment laban sa abogadong si Wilfredo Ruiz dahil sa hindi nito pagbibigay ng sustento sa kanyang dalawang anak.

Ayon sa Korte Suprema, walang puwang sa legal profession ang mga ganitong pang-aabuso sa hanay ng mga kababaihan at kabataan.

Ang disbarment ay base na rin sa rekomendasyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Investigating Commissioner, at nag-utos na pag-alis sa kanya sa Roll of Attorneys.

“The noble legal profession is simply no place for abusers. The Court does not coddle violators of the VAWC law (Anti-Violence Against Women and Children), nor does it allow them to tarnish its collective dignity. We have all  vowed to uphold the protection of women and children when we took our  sacred oath,” ayon sa Korte Suprema.

Taong 2008 nang magsampa ng kaso ang misis ni Ruiz ng paglabag sa Republic Act No. 9262 or the Anti-Violence Against Women and Children “inflicting on her physical violence, emotional  stress, and economic abuse by depriving her and her children of support.”

Bukod dito, humiling din ang misis ng Permanent Protection Order (PPO) na ipinagkaloob din naman ng Pasig Regional Trial Court na siya ring nag-utos kay Ruiz na bigyang suporta ang mag-iina sa pamamagitan ng kalahati ng kanyang sweldo. Gayunman, hindi ito ginampanan ng abogado.

Taong 2016 nang mapa-annull ni Ruiz ang kanyang kasal sa misis, gayunman, hindi pa rin nito binigyan ng sustento ang mga anak, dahilan para sa dating asawa na magsampa ng reklamo sa IBP Commission on Bar Discipline na kinalaunan ay nagrekomenda ng disbarment sa abogado.