8 bayan sa Luzon nakatanggap ng ambulansya mula sa PAGCOR

NAGKALOOB ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng mga patient transport vehicles (PTV) na nagkakahalaga ng P16.2 milyon sa walong lokal na pamahalaan sa Luzon bilang tulong sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, partikular sa mga lugar na malalayo sa mga ospital.

Kabilang sa mga LGUs na nakatanggap ng PTV ang Rosario at Cuenca sa Batangas; San Mateo sa Isabela; Pola sa Oriental Mindoro; at Dumaran, Brooke’s Point, Magsaysay, at Coron sa Palawan.

Ginawa ang turnover ceremony nitong Martes, Hunyo 10, sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.

Ayon sa PAGCOR, ang bawat PTV ay may kasamang GPS navigation system, ambulance stretcher, oxygen supply, wheelchair, at first aid kit para masigurong maayos ang pagresponde sa mga emergency.

Sinabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco na bahagi ito ng patuloy na suporta ng ahensya sa mga LGU pagdating sa serbisyong medikal.

 “Our PTV donation program is part of PAGCOR’s commitment to help LGUs build more responsive and resilient healthcare systems,” ani Tengco. “Through these vehicles, we help ensure that people living in geographically isolated and disadvantaged areas can receive timely medical care.”

Nagpasalamat naman ang mga kinatawan ng LGU at mga health officers sa tulong mula sa PAGCOR.

Ayon kay Dr. Jose Earl Genobili, municipal health officer ng Dumaran, Palawan:

“Malaking tulong po ito lalo na sa aming lugar kung saan mahigit anim na oras ang biyahe papunta sa Puerto Princesa City para maihatid namin ang aming mga kababayan na nangangailangan ng specialized care.”