75-anyos madre binoga, sugatan

SUGATAN ang 75-anyos na madre nang barilin sa Brgy. Burabod, Kawayan, Biliran kamakailan, ayon sa pulisya.

Kinilala ang biktima na si Sister Emma, residente ng barangay. Nagtamo siya ng isang tama ng bala sa likod.

Sa salaysay ng saksi na si Sister Ina, 72, nanonood sila ng TV ni Sister Emma nang dumating ang isang lalaki na nakadilaw na jacket at kumatok sa pinto.

Pagbukas ng pinto ni Sister Emma ay agad itong binaril ng suspek.

Itinakbo ang biktima sa Biliran Provincial Hospital (BPH) bago inilipat sa Eastern Visayas Medical Center para maoperahan.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa tangkang pagpatay sa madre.

Napag-alaman na kapwa missionary sisters ng Lady of Peace sa Brgy. Burabod ang dalawa pero hindi kabilang sa anumang religious group.