6M inimprentang balota sa basurahan ang tuloy; P150M nasayang lang

SA basurahan lang ang tuloy ng mga naunang 6 milyong inimprentang balota ng Commission on Elections (Comelec) na sana ay gagamitin sa nakatakdang halalan sa Mayo.

Ayon kay Comelec Chair George Garcia, ang halaga ng “ibabasurang” balota ay aabot ng P150 milyon.

Anya, bago pa siirain ang mga balota ay kailangang maimbentaryo at agad na maireport sa Commission on Audit (CoA).

“We will shred the printed official ballots to eliminate doubts that they might be used in an election or the upcoming election. Let’s remember that these ballots are original ballots and therefore, when inserted into the machines, the machines will accept them,” ayon kay Garcia sa press conference nitong Miyerkules.

Ang mga naimprentang balota ay para sana sa local absentee voting, overseas voting, test ballots, Bangsamoro at sa Caraga region.

Nitong Martes, iniutos ng Comelec ang pansamantalang pagtigil sa pag-imprenta ng mga balota sa National Printing Office (NPO) na nagsimula noong Enero 6 matapos ang inilabas na temporary restraining order ng Korte Suprema laban sa ruling ng Comelec na nagdidiskwalipika sa limang kandidato.

Ayon kay Garcia, posibleng bumalik sila sa pag-iimprenta ng mga balota sa susunod na linggo.