68,500 kawani ng DepEd bibigyan ng laptop

MAKATATANGGAP na ng laptop ang 68,500 kawani ng Department of Education (DepEd) simula sa Hulyo.


Sa briefing, sinabi ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na may nakalaan na P2.4 bilyon na pondo para sa laptop, na nakatakdang bilhin ng Department of Budget and Management (DBM).


Bahagi ang budget ng P4.3 bilyon financial assistance na ibinigay sa DepEd sa pamamagitan ng Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2), ang ikalawang stimulus package ng pamahalaan upang labanan ang epekto ng pandemya.


“The available budget given under (Bayanihan 2) can accommodate purchase of 68,500 laptops and we will prioritize those who have not received yet DepEd computer packages,” ani Sevilla.


Simula sa Hulyo ay ipamimigay ang laptop sa mga tauhan ng kagawaran, na mayroong 989,971 kawani.


Sa ayuda sa ilalim ng Bayanihan 2 na natanggap ng kagawaran, P1.2 bilyon ay inilaan sa pagbili ng internet load ng mga guro, P300 milyon sa subsidiya at allowance ng mga mag-aaral, P200 milyon sa DepEd TV, P150 milyon sa self-learning modules, at P50 milyon sa DepEd Radio.


Samantala, inanunsyo rin ni Sevilla na maaari nang magparehistro ang lahat ng kawani ng kagawaran para sa bakuna kontra-Covid-19.


“Mga teachers and education personnel, even if without comorbidities or not seniors, can already register sa LGUs, kasi kasunod na sila as A4 priority [group],” aniya. “Pero depende pa rin sa volume of vaccines sa LGUs.”